MANILA, Philippines — Muling sinampahan ng bagong kasong libel, cyber libel, cyber forgery at incriminatory machinations si Ramon Tulfo ng isang babaeng opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa umano’y pagpapakalat ng malisyoso at maling akusasyon laban sa kanya.
Itinanggi ng complainant na si BIR Assistant Commissioner for Client Support Services Teresita Angeles na siya ang babaing tinutukoy ni Tulfo sa kanyang kolum noong Agosto 6 ng kasalukuyang taon at inilagay sa kanyang social media account na may kausap na lalaking kawani rin ng ahensiya dahil hindi ito nangyari kailanman.
Sa 36 na pahinang reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Biyernes, limang bilang na kasong libelo, anim na cybel libel, limang bilang ng incriminatory machinations at anim na bilang ng cyber forgery ang isinampa ni Angeles laban kay Tulfo.
Bukod dito, humihingi rin ng danyos na nagkakahalaga ng P40 milyon si Angeles, bukod pa sa kabayaran sa abogado hanggang sa kabuuan ng paglilitis sa kaso.
Sa naturang kolum, nakasaad ang malabong pag-uusap na binalangkas ng isang babae at isang lalaki na ayon kay Tulfo ay sina Angeles at executive assistant at the Bureau of Internal Revenue (BIR), Adonis M. Samson na nangyari noong buwan ng Agosto, 2017 sa Harvard University, Cambridge, Massachusetts sa Estados Unidos kung saan kumukuha ng kurso ang dalawa. Una na rin itinanggi ni Samson ang akusasyon at naghain na rin ng mga kasong libelo at cyber libel noong nakaraang linggo laban kay Tulfo.