MANILA, Philippines — Pinalaya umano ng Bureau of Corrections (BuCor) ang apat na Chinese drug lords noong nakaraang Hunyo.
Ito ang ibinulgar ni Senator Panfilo “Ping” Lacson batay sa nakuha niyang listahan ng ilang bilanggo na nakalaya kamakailan mula sa New Bilibid Prison at kasama ang pangalan ng apat na Chinese drug lords na nahatulan dahil sa ilegal na droga.
Ini-release ang mga Chinese drug lords sa Bureau of Immigration para posibleng deportasyon sa kabila ng kanilang hatol dahil sa paglabag sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Ang apat ay mula sa Building 14 ng Maximum Security Compound bago inilipat sa Bureau of Immigration and Deportation.
Hindi naman tiyak ni Lacson kung pinakawalan ang apat dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Humihingi na rin ng kopya si Lacson ng listahan ng mga nakalaya noong Agosto 20 kung saan kasama dapat si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez pero nawawala umano ang kopya.
Kung paniniwalaan ang pahayag ng mga miyembro ng pamilya ni Sanchez, mayroong isang release order na inilabas noong Agosto 20 kung saan nakapag-fingerprint na umano si Sanchez.