Ex-Justice Sec. Aguirre nagsampa na rin ng libel vs Tulfo
MANILA, Philippines — Nagsampa na rin ng kasong libelo ang dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre laban sa kolumnistang si Ramon Tulfo dahil umano sa malisyoso at nakakasirang mga kolum nito at Facebook posts noong Abril.
Bukod kay Tulfo, na kinasuhan ng four counts ng libel at nine counts ng cyberlibel, kinasuhan din ng four counts ng libel at four counts ng cyberlibel sa Manila Prosecutor’s Office ang mga opisyal ng Manila Times.
Dalawa pang informants umano ni Tulfo na pinangalanan lamang na “John” at “Peter Doe” ay kasama rin sa kaso.
Si Aguirre ay humihingi ng P150-million na moral damages, at mahigit P50-million sa exemplary fees at attorney’s fees mula sa mga kinasuhan.
Ang kaso ay bunsod ng mga sunud-sunod na columns na lumabas mula noong Abril 9 at 11, at Hunyo 8 sa print at online version na manilatimes.net, kung saan binansagan si Aguirre bilang protektor umano ng human trafficking syndicate sa Ninoy Aquino International Airport at ang paglobo ng small town lotteries (STL) ay upang ma-accommodate ang ilang tao kasama na si Aguirre.
Sinabi naman ni Aguirre na may itinatagong galit ang kolumnista sa kanya dahil noong kalihim pa siya ng DOJ ay tinanggihan niya ang request ni Tulfo na i-consolidate ang lahat ng libel cases na pending sa mahigit 70 prosecutors offices sa buong bansa.
- Latest