2,476 pasaway na pulis, na-dismiss

MANILA, Philippines — Umaabot na sa 2,476 mga pulis na may kasong administratibo ang na-dismiss sa serbisyo kaugnay ng patuloy na internal cleansing ng Philippine National Police (PNP) upang walisin ang mga pasaway sa kanilang hanay.

Base sa rekord, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde na simula noong Hulyo 2016 hanggang Hulyo 31, 2019 ng taong ito, nasa 2,476 scalawags na pulis na ang nadismis at 493 ang na-demote.

Samantalang nasa 4, 240 ang nasuspindi, 202 ang binawian ng mga suweldo, 684 ang na-reprimand at nasa 45 naman ang isinailalim sa restrictive custody.

Bukod dito, ayon pa sa PNP Chief ay nasa 438 namang mga pulis na sangkot sa mga kasong may kinalaman sa droga ang agarang tinanggal sa serbisyo matapos na sumailalim sa tamang proseso.

Samantalang bahagi rin ng internal cleansing ang pagtatag sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) nitong Hunyo ng taong ito kapalit ng Counter Intelligence Task Force (CITF).

Kaugnay nito, mahigit 5,000 pulis naman na naka­gawa ng bahagyang pagkakasala na maaari pang mabago ang sasailalim sa re-orientation at mu­ling pagsasanay sa Subic, Zambales.

Show comments