MANILA, Philippines — Inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nababahala ang Malacañang sa pagdagsa ng mga Chinese tourist sa bansa.
Bukod anya sa bilang ng mga dumadagsang Chinese ang tanong ay paano sila nakapapasok.
Kaya’t sinusuportahan ng Malacañang ang naging panukala ni Foreign Affairs Sec. Tedoro Locsin na alisin ang ‘visa upon arrival’ sa mga dayuhang turista.
“The Immigration would have to do something about it-- whether or not they’re Chinese o hindi. Ang importante diyan, paano nakakapasok ang mga yan nang hindi nalalaman”, wika ni Panelo.
Tahasang sinabi naman ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio na wala umanong nakikitang mali sa pagdagsa ng mga Chinese workers sa bansa na sinasabing posibleng maging banta sa seguridad.
Sinabi ni Carpio, hanggat may visa, work permit, nagbabayad ng buwis at sumusunod ang mga Chinese workers sa batas ng bansa ay hindi umano magiging banta sa seguridad ang mga ito.
Maliban na lamang umano kung ang Chinese ay may ibang agenda sa bansa.
Una nang sinabi ni National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon na kinalampag niya ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa pagdami ng mga Chinese sa Pilipinas.
May mga Chinese na darating sa Pilipinas bilang turista pero magiging trabahador pala rito sa bansa.