MANILA, Philippines — Dalawang preso ang nakatakas nang samantalahin ang pagkakataon habang abala ang lahat sa pagsasagawa ng shake drill kahapon ng umaga sa Quezon City Jail sa Brgy. Kamuning, Quezon City.
Kinilala ang mga nakatakas na bilanggo na sina Mamerto Valenzuela, na may kasong rape sa QC Regional Trial Court Branch 89, at Dennis Valdez, na nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act at paglabag sa RA 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sa QCRTC Branch 224.
Sa ulat, lumilitaw na dakong alas-4:40 ng madaling araw nang magawang makapuga ng mga suspek mula sa kanilang piitan sa QC Jail habang nagsasagawa ng simultaneous earthquake drill.
Kaagad namang ini-report ng mga jail personnel ang pangyayari at hinanap ang mga inmate ngunit hindi na matagpuan ang mga ito.
Naglunsad na rin ng manhunt operation ang mga otoridad para sa agarang pagkaaresto muli sa mga pugante.