Military camp binomba: 5 katao todas, 9 sugatan

Sa ulat ni Major Arvin Encinas, spokesman ng AFP Western Mindanao Command, dakong alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang pagsabog sa 1st Brigade Combat Team (BCT) sa nasabing lugar.

MANILA, Philippines — Nasawi ang tatlong sundalo at 2 sibilyan habang siyam iba pa ang nasugatan nang pasabugan ang isang kampo ng militar sa Brgy. Tanjung, Indanan, Sulu, kahapon ng tanghali.

Sa ulat ni Major Arvin Encinas, spokesman ng AFP Western Mindanao Command, dakong alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang pagsabog sa 1st Brigade Combat Team (BCT) sa nasabing lugar.

Nabatid na kasaluku­yang abala sa loob ng kampo ang mga sundalo nang yanigin ito ng malakas na pagsabog at dito ay napuruhan ang tatlong sundalo habang siyam ang nasugatan na dinala agad sa pagamutan.

Hindi muna tinukoy ng opisyal ang pagkaka­kilanlan sa mga nasawing sundalo dahilan kailangan pang impormahan ang kanilang mga pamilya.

Bagama’t patuloy pa ang imbestigasyon kung sino ang may kagagawan sa pagsabog ay hindi ina­alis ang posibilidad na may kinalaman ang mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) na target ng military operations sa lalawigan.

Ang nasabing Army Brigade ay nakahimpil bilang karagdagang tropa ng militar mula Maynila na ipinadala ng Philippine Army para tumulong sa paglipol sa nalalabi pang puwersa ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa Sulu.

Inihayag rin ni Encinas  na posibleng suicide bomber ang nasa likod ng insidente.

Dahil dito bukod sa umiiral na martial law sa buong Mindanao ay naka-red alert ang tropa ng militar.

Nakatakda namang dumating ang Philippine Marines Battallion Landing Team 8 sa Sulu para tumulong laban sa mga Abu Sayyaf.

Show comments