MANILA, Philippines — Dahil sa pag-amin ng isang 56-anyos na welder na ninakawan niya ang kanilang kompanya katulong ang isang magkapatid ay sinakal ito at binigti ng mga huli sa loob ng kanilang pinapasukan sa Makati City.
Ang biktima ay kinilalang si Nestor Malujao, stay-in sa kanilang kompanya na Turbo Engine Recovery na matatagpuan sa #1274 Batangas St., Brgy. San Isidro, ng lungsod.
Ang suspek na naaresto sa isang follow-up operation ay nakilalang si Albert Cruz, habang pinaghahanap pa ang kapatid nitong si Ritchell.
Sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakabigti ng lubid sa loob ng pinapasukan nito.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, umamin ang biktima na kasabwat niya sa insidente ng nakawan ang magkapatid na suspek sa kanilang kumpanya.
Kaya’t hinala ng pulisya na pinatay ng magkapatid ang biktima bago tumakas ang mga ito.