MANILA, Philippines — Naaresto na ng pulisya si Alexander Dimaunahan Jr., 23, suspek sa pagpatay sa isang 22-anyos na si Sheva Adare Mae Prementil, 22, assistant supervisor ng Llanas Supermarket na ang bangkay ay natagpuang nakasilid sa sako sa Muntinlupa City, noong Sabado.
Sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga nang maaresto ang suspek sa San Pablo City, Laguna sa isang follow-up operation.
Magugunita na dakong alas-11:00 ng umaga ng Sabado nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng co-boarder nito na si Maricor Mendoza, 27 sa loob ng bodega ng Buko Island, na nakasilid sa isang sako sa nabanggit na lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon na isang masugid na manliligaw ng biktima ang suspek, subalit binasted niya ito na posibleng dahilan kung bakit pinatay ang dalaga sa pamamagitan nang pagsaksak dito.
Nabatid na ang suspect ay may kasong droga noong Agosto 12, 2016 at may nakapending itong warrant of arrest sa kasong frustrated homicide na inisyu ni Judge Mary Jean Cajadad, ng 4th Judicial Region, Regional Trial Court Branch 27 ng Santa, Cruz Laguna at itinuturing na number 5 most wanted criminal ng pulisya sa San Pedro, Laguna.