MANILA, Philippines — “Mag-ingat sa mga recruiter na nakikilala nila sa social media at pangangakuan ng trabaho sa Dubai ngunit babagsak sa Baghdad bilang mga illegal workers”.
Ito ang ipinaalala ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa dahil sa nitong 2018 ay nakapagtaala ng 17 kaso ng human trafficking ang Philippine Embassy sa Baghdad, Iraq.
Kabilang dito ang isang Pilipino na nakulong sa Basra Prison sa loob ng tatlong buwan at napalaya nito lamang Miyerkules para sa kanyang deportasyon pabalik sa Pilipinas.
Dalawa pang Pilipino ang naayos ang kaso habang 10 pa ang nasa pangangalaga ng embahada mula pa nitong Enero.
Sa rekord ng DFA, ang mga biktima ay idinaan sa Dubai patungong Iraq mula July 4 hanggang December 22, noong isang taon.
Nahikayat umano ang mga biktima sa pamamagitan ng social media kung saan sila inaalok ng mataas na sahod sa trabaho sa Dubai kahit tourist visa ang kanilang gamit.
Pagsapit sa Dubai ay bibigyan ang mga ito ng trabaho,subalit walang sahod dahil bahagi umano ito ng kanilang pagsasanay hanggang bago mag-expire ang kanilang visa ay aalukin na sila ng trabaho sa Iraq at kung hindi ay magbabayad sila ng $3,000.
Mapipilitan naman ang mga biktima na pumayag saka sila ibibyahe sa Erbil sa Kurdistan Region sa Iraq at saka palulusutin patungong Baghdad o Basra at sa biyahe patungong Iraq ay nabibiktima rin ang mga ito ng pangmomolestya at pangmamaltrato.