MANILA, Philippines — Bigyan ng “lifeline rate” ang mga consumers na hindi naman kumukonsumo ng malaking porsiyento ng data at mobile services.
Ito ang naging kahilingan ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission.
Sinabi ni Gov. Imee na tumatakbong senador sa 2019 midterm election na dapat magkaroon ng isang hakbang upang mapababa ang halaga ng pagtawag sa telepono, text messages at data services para matuldukan na rin ang pagiging isa ng Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na rate sa mga mobile voice at sms. Iginiit pa ni Marcos na ang mga nasa mahirap na sektor ng bansa ay mas mababa lang ang konsumo sa internet kumpara sa mga tinatawag na “techies”, kaya mas nararapat lamang na hindi mabigatan ang nasabing sektor ng mahihirap.
Sinabi pa ni Marcos na dapat lang na alisin ang VAT sa telecommunication service at alisin na ang interconnectivity fees sa mga telco firms.
Maging ang network connectivity fees ay pinatatanggal din ni Marcos sa mga network providers kung saan nagiging pabigat sa mga subscribers.
Pinaplantsa ng DICT ang kasunduan para sa pagtatayo ng telco infrastracture na inaasahang magpapaganda sa serbisyo ng mga telcos.