MANILA, Philippines — Inilabas na ng Philippine National Police (PNP) ang larawan ng dalawang suspek na nasa likod ng pambobomba sa South Seas Mall sa lungsod ng Cotabato na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng 34 iba pa noong bisperas ng Bagong Taon.
Sa report ni Police Regional Office (PRO) 12 Director P/Chief Supt. Eliseo Tam Rasco, ang hitsura ng dalawang suspek ay nakita sa nirebyung CCTV ng nasabing mall. Tinatayang ang isa ay nasa edad 20-30-anyos habang ang kasapakat nito ay nasa pagitan ng 50 hanggang 60 taong gulang.
“The photos were extracted from the CCTV footages inside and outside the mall and along the road.”, anang opisyal.
Sa kuha ng CCTV, kitang-kita ang dalawang suspek na nag-abutan ng isang maliit na bagahe na inilagay naman sa gilid ng lotto outlet sa ikalawang palapag ng mall saka agad na umalis.
Ayon naman kay Supt. Oliver Modias, chief ng Special Investigation Task Group Southseas, may sapat na silang ebidensya para masabing ang dalawa ay kabilang sa mga nasa likod ng pagpapasabog sa labas at pagtatanim ng isa pang bomba sa loob ng mall.
Nanawagan naman ang Cotabato City PNP sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad upang mas mapadali ang pagtukoy at pagdakip sa dalawang suspek.
Samantala, nag-alok naman ang pamahalaang lungsod ng Cotabato ng P500,000 reward para sa sinumang makapagtuturo at makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng mga suspek.