20 patay kay ‘Rosita’

Base sa ulat ng pu­lisya at ng iba pang mga opisyal, 10 ang nasawi sa landslide sa Mountain Province, apat sa Ifugao, isa ang namatay sa sunog sa Sagada, Mountain Province, isa ang nalunod sa Abra, isa naman ang nakuryente sa Tarlac at dalawa ang nasawi sa landslide sa Batangas.
DPWH MPDSEO via AP

MANILA, Philippines — Nasa 20 katao na ang naitatalang nasawi na karamihan ay biktima ng landslide dulot ng mala­lakas na pag-ulan at hangin ng bagyong Rosita sa Northern Luzon.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Edgar Posadas, sa inisyal na ulat ay nasa siyam pa lamang ang nasawi na nakarating sa kanilang tanggapan na inaasahang madaragdagan pa habang 29 naman ang na-trap sa isa sa tatlong gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natabunan ng putik at debris sa Brgy. Banawel, Natonin, Mountain Pro­vince sa kasagsagan ng pananalasa ni Rosita.

Sa report naman ng Mt. Province Provincial Police Office (PPO), nasa 10 bangkay na ang narekober sa lugar habang anim naman ang nasagip ng buhay sa naganap na landslide nang matabunan ng lupa ang isa sa tatlong gusali ng DPWH–Mt. Province Se­cond District Engineering Office (MPSDEO)  kung saan naroroon ang nasa 31 katao ang nakulong.

Base sa ulat ng pu­lisya at ng iba pang mga opisyal, 10 ang nasawi sa landslide sa Mountain Province, apat sa Ifugao, isa ang namatay sa sunog sa Sagada, Mountain Province, isa ang nalunod sa Abra, isa naman ang nakuryente sa Tarlac at dalawa ang nasawi sa landslide sa Batangas.

Umaabot naman sa 11,873 pamilya o kabuuang 38,398 katao ang apektado ng bagyong Rosita sa 478 Barangays sa Regions 1, II, III at Cordillera Administrative Region.

Show comments