Isulan muling binomba: 2 patay, 13 sugatan

Gutay-gutay ang establisyementong ito na isang internet cafe matapos na sumabog ang isang uri ng improvised explosive device (IED) sa panibagong pambobomba na naganap sa Isulan, sa lalawigan ng Sultan Kudarat, kamakalawa ng gabi.
Rhoderick Beñez

MANILA, Philippines — Dalawang katao ang nasawi habang 13 pa ang sugatan matapos na muling yanigin ng isang malakas na pagsabog ang payapang gabi sa Isulan, sa lalawigan ng Sultan Kudarat, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si John Mark Luda, 18-anyos, 2nd year college student sa Sultan Kudarat State University at residente ng Malingawon, Bagumbayan, habang nalagutan naman ng hininga habang ginagamot sa ospital ang pinsan niyang si Marilyn Luda.

Patuloy namang nilalapatan ang labintatlo pang nasugatan sa naturang pagsabog.

Batay sa ulat ng pu­lisya, nangyari ang pagsabog alas-7:35 ng gabi kung saan dalawang bomba ang itinanim sa isang computer unit sa Rhenz internet café na nasa Valdez Street, sa naturang lugar.

Isa ang sumabog at isa naman ang na-detonate ng mga otoridad habang naisugod agad sa Sultan Kudarat Provincial Hospital, Isulan Medical Specialist at Holy Nazarene Clinic and Hospital ang mga sugatan.

Sinuspinde naman ni Isulan Mayor Marites Pallasigue ang klase sa lahat ng public at private school sa lahat ng level sa bayan ng Isulan. Ito’y upang hindi mahati ang puwersa ng mga otoridad habang iniimbestigahan ang nasabing insidente.

Samantala, tinanggal kahapon ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang Provincial Police Director ng Sultan Kudarat na siP/Sr. Supt. Celestino Daniel Jr. at ang hepe ng Isulan na si P/Sr. Supt. Noel Kinazo.

Nabatid pa na ang ikalawang insidente ng pagpapasabog ay hinihinalang kagagawan din ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Show comments