MANILA, Philippines — Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Central Mindanao Regional Office XII ang isang aktibong pulis at anim pang iba na sangkot umano sa cybercrime operations, child prostitution at human trafficking sa magkahiwalay na operasyon, inulat kahapon.
Sa pulong balitaan kahapon ng hapon, unang inihayag ang pagkakadakip sa bisa ng search warrant at pagsalakay sa isang cybersex den sa Polomolok, South Cotabato, noong Agosto 31, kung saan nadakip ang mga suspek na sina Jessa Canja Penacerada, PO3 Retchie Boy Silot Buca, Maria Jemma Penacerada Zarate, pawang residente ng South Cotabato.
Sinabi ni Atty. Auralyn Pascual at Special Agent Yehlen Agus, na isinailalim na sa inquest proceedings ang apat na suspek kaugnay sa reklamong Cybersex at Child Pornography bukod pa sa inihaing unlicensed/unregistered firearm laban kay PO3 Buca matapos makuhanan ng baril sa kaniyang pag-iingat na hindi lisensiyado.
Nailigtas naman sa kamay ng mga suspek ang anim na kababaihan kabilang ang apat na menor na naaktuhan sa pakikipag-chat sa mga kliyente na pawang walang mga saplot sa katawan.
Samantala, sinampahan din ng reklamong Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang tatlong indibidwal na pawang ‘bugaw’ umano ng sampung kababaihan na kinabibilangan naman ng dalawang menor-de-edad sa isinagawang entrapment operation ng NBI-Rizal District Office (RIZDO) nitong nakalipas na Huwebes (Agosto 30) sa isang restaurant sa Mayamot, Antipolo, Rizal.
Ayon sa NBI, ang mga suspek na sina Ansary Jamil, alyas Cherry Ann Paulite; Maolyn Paulite at Eden Timon Aguilar ay pawang naaresto nang ideliber nila ang sampung babae sa mga nagpanggap na customer para sa panandaliang aliw sa “Kainan sa Bahay-bahayan”.
Nabatid na ang mga babae ay idinedeliber matapos magbayad ang mga kliyente sa pamamagitan ng online at bawat isang babae ay kumikita ng P1,000 ang mga nasabing bugaw.