MANILA, Philippines — Nasa 68 pulis mula sa Talisay City, Cebu ang sinibak ng liderato ng Philippine National Police (PNP) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa droga.
Ang pagsibak ay ginawa matapos ang ginawang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga nasabing pulis ay sangkot sa pagre-recycle ng mga nakumpiskang illegal drug.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng PNP Region 7 na hindi nasibak ang chief of police ng Talisay na si Supt. Marlu Conag dahil bago lamang siyang talaga sa nasabing puwesto.
Ang 68 na sinibak na pulis ay pansamantalang ililipat sa Regional Mobile Police Battalion. Samantalang ang may 70 mobile police unit naman ang siyang magte-take over sa Talisay City police office.
Nakatakdang isasailaim sa drug test ang lahat ng operatiba ng Talisay City police bago sila i-turn over sa Regional Mobile Police Battalion.