P60-M DOT ads may conflict of interest

Subalit, nanindigan si Teo na walang “conflict of interest” sa nasabing P60-M advertisements dahil ang kontrata ay sa pagitan ng PTV-4 at DOT at hindi sa producer ng Kilos Pronto na nagkataong kanyang kapatid.
Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — May naganap na conflict of interest at graft and corruption sa ginawang paglalagay ng Department of Tourism ng P60 milyon ads sa programang “Kilos Pronto” ng Bitag Media Unlimited Inc.(BMUI) ni Ben Tulfo sa PTV.

Ito ang lumabas sa pagdinig kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon nang humarap ang magkakapatid na sina dating DOT Secretary Wanda Teo, Ben at Erwin Tulfo.

Subalit, nanindigan si Teo na walang “conflict of interest” sa nasabing P60-M advertisements dahil ang kontrata ay sa pagitan ng PTV-4 at DOT at hindi sa producer ng Kilos Pronto na nagkataong kanyang kapatid.

Humarap din sa pagdinig ang kinatawan ng COA na si Norma Aquino na nagsabing base sa kanilang fin­dings, posibleng may “conflict of interest” sa kontrata.

Lumabas din na nagkakahalaga ng P120 milyon ang kontrata  bagaman at hindi ito nailabas ng buo.

Ayon kay Dino Antonio Apolonio, presidente at general manager ng PTV-4, sa P120M na DOT-PTV contract, ang nailabas lamang ay P95,625,000 dahil hindi na nailabas ang huling tranch.

Sa nasabing halaga, P71,061,275.34 ang ibinayad sa BMUI, samantalang natira sa kanila ang P19.8milyon sa PTV-4.

Lumabas din sa pagdinig bagaman at blocktimer ang BMUI, ang PTV-4 pa ang nagsulong para makakuha ito ng ads sa DOT.

Matatandaan na nagbitiw sa kanyang posisyon si Teo noong nakaraang Mayo matapos kuwestyunin ng Commission on Audit ang nasabing P60M advertisements ng DOT sa PTV-4.

Ang kapatid naman nina Ben at Teo na si Erwin Tulfo na nagsilbing anchor ng programa ay umamin na tumatanggap ng P150,000 na talent fee.

Pinanindigan ni Ben na hindi niya ibabalik ang naibayad sa BMUI dahil wala umano siyang ginawang ilegal.

Show comments