MANILA, Philippines — Pansamantalang sinuspinde kahapon ng Police Regional Office (PRO) IV B ang lahat ng Internal Security Operations (ISO) laban sa mga teroristang New People’s Army (NPA) sa mga lalawigan ng Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan (MIMAROPA) upang maiwasan ang misencounter sa pagitan ng tropa ng militar at pulisya.
Ito ang inihayag ni PROIV-B Spokesperson P/Supt. Imelda Tolentino, kasabay ng pagbigay ng direktiba ni P/Chief Supt. Emmanuel Luis Licup, Director ng MIMAROPA Police na palaging makipagkoordinasyong mabuti sa tropa ng AFP upang maiwasan ang misencounter.
Tulad na nangyari sa pagitan ng tropa ng Army’s 87th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni 1st Lt. Orlando Casipit Jr . at ng 805th Regional Mobile Force (RMF) na pinamumunuan ni Chief Inspector Don Archie Suspeñe sa Brgy. San Roque sa hangganan ng bayan ng Villareal at Sta Rita, Samar nitong Lunes na kung saan ay anim pulis ang nasawi habang siyam ang nasugatan.
Ayon naman kay Major Raul Farnacio, Commander ng Army’s 8th Infantry Division (ID) na kakulangan ng sapat na koordinasyon at lumang radio equipment tulad ng ICOM radio na gamit ng mga pulis ang narekober sa lugar na hindi match sa kanilang modernong Harris radio na gawa sa Estados Unidos.
Ang ICOM radio ay mahina at limitado lamang ang signal tulad ng ginagamit ng mga security guard sa malls.
Nagkulang din sa koordinasyon ang PNP dahilan nagtanong lamang umano ang Commander ng mga ito sa Army detachment kung may nag-ooperate na tropa ng mga sundalo sa lugar at hindi sinabi na papasok sila sa lugar na nagresulta sa misencounter.
Sa inisyal na imbestigasyon na dahilan sa kakulangan ng koordinasyon ay inakala ng AFP troops ng Army’s 87th Infantry Battalion (IB) na pinamumunuan ni 1st Lt . Orlando Casipit Jr., na mga rebelde ang mga elemento ng 805th Regional Mobile Force (RMF) na pinamumunuan naman ni Chief Inspector Don Archie Suspeñe.
Nasawi sa insidente sina PO1s Wyndell Noromor; Edwin Ebrado; Phil Rey Mendigo; Julius Suarez; Rowell Reyes; at Julie Escalo habang agad namang isinugod sa pagamutan ang siyam pang pulis na nasugatan sa insidente.
Idinepensa naman ng opisyal na mahirap matukoy na mga pulis ang kanilang nakasagupa dahilan maputik ang uniporme ng mga ito na nasa distansyang 75-100 metro .