MANILA, Philippines — Nasa 60 nanalong opisyal sa barangay nitong kakatapos na halalan ang iniulat kahapon ng pamunuan Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kabilang sa 207 na narco-list.
Sinabi ni PDEA Director Aaron Aquino, 36 ang barangay chairman at 24 na kagawad, na sinasabing sangkot sa pagpapakalat ng droga sa bansa ang nakatakdang kasuhan sa susunod na mga araw.
Inihayag ni Aquino na naging matagumpay naman sa kanyang palagay ang paglalantad nila ng listahan laban sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na sangkot sa droga dahil kung hindi umano nila ginawa iyon ay posibleng mas marami ang muling nakabalik sa kanilang puwesto.
Tiniyak ng PDEA chief na hindi lamang ang mga nanalong kandidato ang hahabulin nila para kasuhan, kundi maging ang mga natalong kandidato sa pagka-barangay chairman at kagawad na una nang pinangalanan na nasa drug-list.