MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang isang 29-anyos na sekyu matapos ang pinsala sa ulo nang sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Morato Avenue sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang nasawi ay kinilalang si Jubert Abenes, 29, may-asawa, security guard na nakatira sa Francisco St., Barangay Barangka, Marikina City.
Sugatan namang isinugod sa pagamutan si Roland Andres, 32, security guard ng Myna St., Sitio Veterans Bagong Silangan, Quezon City.
Batay sa ulat, bago nangyari ang aksidente dakong alas-9:30 ng gabi sa kanto ng Morato at E. Rodriguez Avenue, Quezon City ay sakay ng motorsiklo ang dalawa na minamaneho ni Andres nang mawalan ng balanse at matumba sa palikong kalsada.
Dito ay tumama ang ulo ni Abenes na walang suot na helmet sa kalsada na naging dahilan ng agaran niyang kamatayan.