MANILA, Philippines — Isang actor/comedian na dati ring barangay kagawad ang dinakip ng pulisya matapos ireklamo ng ‘pangmomolestiya’ sa kanyang menor-de-edad na inaanak sa Barangay North Fairview, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang suspek ay kinilalang si Philip Supnet, na kilala bilang “Kuhol” sa movie industry, 58, nakatira sa No.7 Axtell St., North Fairview, Quezon City.
Sa ulat bago nangyari ang pangmomolestiya, dakong alas-8:00 ng gabi ay nagtungo ang bata sa tindahan ng suspek upang magpa-load.
Inanyayahan ng suspek ang bata na pumasok sa tindahan at nang makapasok ay dito na hinalikan ng una sa labi ang bata.
Nagpumiglas ang bata pero tinakot umano ni Kuhol at sinabihang “Huwag kang maingay at magsumbong, balik ka bukas”
Pero pag-uwi ng biktima ay agad itong nagsumbong sa kanyang mga magulang na siyang nagreklamo sa mga barangay official at pulisya kaya inaresto ang suspek.
Inamin naman ng suspek na hinalikan nga niya ang kanyang inaanak pero hindi umano sa labi, sa halip ay noo lamang, bilang tanda ng kanyang pagiging pangalawang ama sa biktima.
Humingi na ng paumanhin ang aktor pero desidido ang pamilya ng bata na sampahan ng kaso ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.