Miyembro ng ATM skimming syndicate… Nigerian huli sa droga
MANILA, Philippines — Nasilo ng mga operatiba ng pulisya ang isang dayuhang Nigerian na pinaghihinalaang sangkot at kasapi ng international Automated Teller Machine (ATM) skimming syndicate sa isinagawang anti-illegal drugs operation sa Brgy. Balibago, Angeles City nitong Biyernes.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Amador Corpus ang nasakoteng suspek na si Chinedu Umeanwe alyas “Brook”, 26-anyos, binata, programmer at website designer.
Sinabi ni Corpus na ang suspek ay nadakip ng pinagsanib na elemento ng Angeles City Police Drug Enforcement Unit at Criminal Investigation and Detection Team Angeles City sa buy-bust operation sa tinutuluyan nito sa Unit 6, Great Frontier Apartment , 928 Laguna St., Mt. View, Brgy. Balibago, ng naturang siyudad.
Nakumpiska mula sa dayuhang suspek ang apat na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu, tatlong piraso ng tig-P,1000 bill na hinihinalang pinagbentahan nito sa droga.
Nadiskubre ring sangkot ang dayuhan sa ATM skimming matapos masamsam mula sa kanya ang isang laptop computer, isang unit ng magnetic stripe card reader at 21 piraso ng VIP cards na gamit sa ATM skimming.
Ayon kay Corpus nahaharap na ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Anti Illegal Drugs Act) at kasalukuyan na ring nakikipagkoordinasyon ang kanilang mga operatiba sa Bureau of Immigration upang alamin ang status ng suspek na hinihinalang miyembro ng international syndicate na sangkot sa ATM card fraud.
- Latest