MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki na nagpakilalang pulis dahil sa pagnanakaw ng kotse, illegal drugs at illegal possession of firearms sa Fairview, Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Norberto Bernalez, 36, residente ng No. 3 Log-V Cluster 2, 4th Floor, Unit 6, Smile Citi-Homes Annex, Brgy. Kaligayahan ng lungsod.
Bago ito ay nagsampa ng reklamo sa pulisya ang isang Kevin Aquino ng Brgy. Culiat, QC nitong nakalipas na Abril 2, 2018 matapos tangayin ng suspek ang kanyang Toyota Vios na nakapangalan sa kanyang tiyahin na si Marvic Joseph Roxas.
Namataan ang ninakaw na sasakyan sa Brgy. Fairview, QC dahilan para humingi ito ng tulong sa mga operatiba ng QCPD-DSOU kaya’t pinahinto ng mga pulis pagsapit sa kahabaan ng Sultan St., kanto ng Ascension Avenue.
Nang bumaba sa kotse si Bernaldez, ay nagpakilala na isang pulis at nagpakita pa ng PNP badge,subalit wala naman itong maipakitang PNP ID.
Dinakip ng mga pulis ang suspek at nakumpiska dito ang isang cal. .45 Norinco pistol kasama ang pitong bala na walang kaukulang lisensya, PNP ball cap, badge at traffic vest, apat na sachets ng shabu at drug paraphernalia at ang umano’y ninakaw na dark brown Toyota Vios (AJA-1828).