MANILA, Philippines — Nasawi ang lima na katao kabilang ang tatlong miyembro ng isang pamilya matapos matabunan ng lupa sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Basyang sa CARAGA Region.
Ang mga nasawi ay ang mag-iinang Irene Benguillo, 33 at dalawa nitong anak na sina AJ Benguillo, 6 at MK Benguillo, 23. Habang nakaligtas naman ang padre de pamilya na si James,33 , fish vendor.
Sa report ni CARAGA Police (PRO) 13 Regional Director P/Chief Supt. Noli Romana, bandang alas-4:00 ng madaling araw kahapon nang magkaroon ng pagguho ng lupa na tumabon sa bahay ng pamilya Benguillo na nasa tabi ng isang mining site sa Brgy. Gamuton, Carrascal, Surigao del Sur.
Ang dalawa pang nasawi ay ang 10-anyos na si Rosaline Gabeligno na tinangay naman ng baha sa Brgy. Anislagan, Placer, Surigao del Norte dakong alas-7:00 ng umaga kahapon at 2 buwang sanggol na si Christian Jake Tumandao.
Ang bagyo ay nag-landfall o tumama sa kalupaan sa bayan ng Cortes, Surigao del Sur pasado alas-9:00 ng umaga kahapon.