Faeldon inilipat sa Pasay City jail
MANILA, Philippines — Mula sa pinagkukulungan sa Senado ay inilipat na kahapon si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa Pasay City Jail sa pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). para kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na isinailalim na sa kanilang kustodya kahapon.
Ayon kay Senior Inspector Xavier Solda, Spokesman ng BJMP, dakong alas-12:05 ng tanghali nang tanggapin sa Pasay jail facility si Faeldon.
“He will be living with other inmates, no special treatment”, wika ni Solda.
Ayon pa kay Solda ay nasa 997 inmates na may 830% congestion rate ang Pasay City Jail kung saan nadagdag si Faeldon.
Nabatid na ipinag-utos ng Senado ang paglilipat sa Pasay City Jail kay Faeldon matapos ang mainitang argumento sa pagitan nito at ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senador Richard Gordon noong Lunes.
Inakusahan ni Faeldon si Gordon na nagmo-monologue umano sa halip na ipalabas sa publiko ang katotohanan kaugnay ng imbestigasyon sa kontrobersyal na pagkakapuslit ng P 6.4 bilyong shabu sa bansa sa panahon ng panunungkulan nito bilang Customs Commissioner.
Inaakusahan din ng dating Magdalo mutineer si Gordon na “exaggerated” umano ang pagseselebra niya ng Pasko kasama ang kaniyang pamilya sa detention cell ng Senado.
Tumanggi namang magbigay ng komento ang tanggapan ni OCD Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad sa pagkakalipat ng kulungan ni Faeldon.
- Latest