Mataas na rating ni Digong sa Pulse Asia, accurate - Koko
MANILA, Philippines — “Accurate” ang mataas na satisfaction rating na nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Naniniwala dito si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III dahil sa ramdam niya ang suporta sa Pangulo ng mga mamamayan na nakakasalamuha niya.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III base sa nakakuha niyang feedback, 8 sa bawat 10 Filipino ay nagtitiwala sa Pangulo.
Nagpahiwatig naman ng pagtataka si Senator Ping Lacson kung papaanong nagkaroon ng biglang pagbabago trust at approval ng mamamayan sa pagitan lamang ng isa hanggang tatlong araw.
Ang tinutukoy ni Lacson ay ang pagbaba ng trust rating ng Pangulo sa survey na isinagawa ng Social Weather Station na inilabas ilang araw lamang ang nakakaraan pero biglang tumaas sa survey ng Pulse Asia.
Pero ang “bottomline” aniya ay mataas pa rin talaga ang suporta ng mga mamamayan dahil sa kakaibang klase ng pamumuno ng Pangulo.
Batay ito sa isinagawang survey ng Pulse Asia sa may 1,200 na respondents mula September 24-30 sa buong bansa ay nakakuha ng mataas na 80 percent trust at approval ratings si Duterte.
Taliwas ito sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS) noong September 2017 kung saan ay bumagsak sa 48 percent ang satisfaction at net trust ratings ni Pangulong Duterte na mas mababa ng 18 points mula sa June 2017 survey results.
- Latest