MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 25-anyos na lalaki nang inguso ng mga manlalaro sa computer shop dahil sa sukbit na baril at bag na nadiskubreng may lamang granada, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Isinailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek na si Rolando Villanueva alyas “Nognog”, miyembro ng Batang City Jail at residente ng No. 15 Magsaysay St., sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition and Regulation Act at RA 9516 o Illegal/Unlawful Possession of Firearms, Ammunition and/or Explosives.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:45 ng madaling araw nang kanilang arestuhin si Villanueva sa isang computer shop sa Chesa St. dahil sa sumbong na may dala itong baril at isang bag na kahina-hinala ang laman.
Nang kapkapan ay nakita sa suspek ang 9 mm kalibre ng baril na may serial number na 49204551 ngunit burado ang trademark, at kargado ng 8 bala.
Nakita naman sa sling bag ang isang live fragmentation hand granade.