MANILA, Philippines — Napatay sa air strike at ground assault operation ang tatlo sa magkakapatid na Maute na nagsilbing lider sa Marawi City siege sa ika-119 araw ng krisis kahapon.
Kinumpirma kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa press briefing sa Camp Aguinaldo na napatay na sina Maute brothers Abdullah, Madie at Otto.
“The information came from the arrested Maute (relatives and families of Maute) and some surrenderees and we have also sources inside so yun confirmation from different sources based from our intelligence monitoring,” ani Año na aminadong noong una ay tanging ang pangalan lamang nina Abdullah at Omar ang lumulutang pero kinalaunan ay nadiskubreng magkakatulong sa siege ang Maute brothers.
Tanging sina Omar Maute at Isnilon Hapilon, itinalagang lider ng Maute-ISIS sa Southeast Asia ang nanatiling buhay sa mga lider ng mga terorista na sinasagupa ng tropa ng militar.
Inamin ng Chief of Staff na nasa sampung dayuhang terorista ng ISIS ang tumutulong sa Maute terror group sa bakbakan sa lungsod ng Marawi.
Tinataya namang nasa 45-50 pa ang hostages na kailangang masagip sa battle zone na hawak ng mga kalaban.
Magugunita na sumiklab ang krisis sa lungsod ng Marawi matapos na lumusob at maghasik ng terorismo dito ang Maute-ISIS terrorists na nagbunsod upang magdeklara ng 60 araw na martial law sa buong rehiyon ng Mindanao na nagtapos noong Hulyo 22.