MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang patay na ang isa sa lider ng teroristang Maute-ISIS group na si Abdulah Maute sa patuloy na bakbakan sa Marawi City na nasa ika-105 araw na kahapon.
Ito ay ayon kay AFP Western Mindanao Command Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., kaugnay sa natanggap nilang impormasyon mula sa isang source na nahagip umano si Abdulah sa inilunsad na airstrike sa pagitan ng Agosto 14 at 26.
Gayunman, nilinaw ni Galvez na makukumpirma lamang nila ang impormasyon kung makikita nila ang bangkay ni Abdulah para isailalim sa DNA testing.
Samantala, ang kapatid naman ni Abdulah na si Omar na napabalitaang napatay na noon ay buhay pa hanggang ngayon batay sa kanilang pinakabagong hawak na impormasyon.
Samantala sa panig naman ng Philippine National Police (PNP), wala pa silang natatanggap na balitang napatay na umano sa military operation sa Marawi City ang teroristang si Abdulah Maute.
Ayon kay PNP chief police director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, hanggang sa ngayon walang kumpirmasyon kaugnay sa nasabing ulat.
Giit ng PNP chief na kailangan pang ma-establish ang “Corpus Delicti” kay Abdulah Maute.
Mahirap aniya mag-rely sa mga intelligence information lalo na kapag hindi validated ang report.