3 patay sa pamamaril sa QC

MANILA, Philippines - Tatlong lalaki ang napatay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City kahapon ng mada­ling araw.

Ang unang insidente ay naganap dakong alas-12:00 ng madaling araw nang pasukin ng anim na kalalakihan ang bahay ng biktima na nakilalang si Roel Canibel, 42, ng No. 79-C, Saint Anthony St.,  Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Kasalukuyang natutulog sa loob ng kanilang kuwarto ang biktima at kinakasama nitong si Rosalie Saludo at pu­wersahang binuksan ng dalawang armadong suspek na pawang naka-face mask ang pinto habang nagsilbing look out naman ang ibang suspek saka biglang dinamba ang biktima bago ito binaril sa noo.

Matapos ang pamamaril ay magkakasabay na nagpunta sa tatlong motorsiklo at sumakay saka humarurot palayo sa lugar.

Ang ikalawang insidente ay naganap dakong alas-12:25 ng madaling araw nang pagbabarilin ng hindi mabatid na grupo ng mga nagrarambulang kabataan  ang biktima na nakilalang si Ricky Asea, 25, may live-in partner, at residente sa Gulayan Site., Brgy. Holy Spirit.

Kuwento ng saksing si Mae Villegas, nagbababantay siya sa loob ng bakery nang makita ang mga nagtatakbuhang grupo ng mga kabataan sa gitna ng kalye habang ang biktima naman ay nakatayo sa labas ng tindahan at pinagbabaril ito ng tatlong beses.

Hinala ng otoridad na nadamay lang ang biktima sa mga nagrarambulang kabataan na siya ngayong pokus ng kanilang pagsisiyasat.

Ang ikatong insidente ay naganap dakong alas-12:30 ng madaling araw sa loob ng Angel’s Hamburger sa Sitio Talanay Area A, na matatagpuan sa  No. 67 Kagawad Gitna Rd.,  Sitio Talanay Area B.

Nabatid na bumibili ang biktimang si Danilo Melchor, 54, ng No.1 Narra St., Sitio Talanay Area A, Brgy. Batasan Hills, sa lungsod nang biglang dumating ang suspek at walang kaabug-abog na pinagbabaril ito ng walong beses.-

Show comments