MANILA, Philippines - Inihayag ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Manila Electric Company (Meralco) na bababa ng P0.29 kada kilowatt hour ang singil ngayong buwan.
Mula sa dating P9.89/kwh na electricity rate noong Abril ay magiging P9.60/kwh na lamang ito ngayong Mayo.
Katumbas aniya ito ng P58 pagbaba ng singil sa typical residential household na kumukonsumo ng 200kwh kada buwan, P87 sa mga kumukonsumo ng 300kwh, P116 naman sa nakakagamit ng 400kwh at P145 sa mga kumukonsumo ng 500kwh.
Sinabi ni Zaldarriaga na ang pagbaba ng singil ay kasunod nang pagbaba ng overall generation charge na umabot ng P0.2126/kwh, na dulot naman ng pagbaba ng cost ng power na mula sa Independent Power Producers (IPPs) at ng Power Supply Agreements (PSAs), gayundin ng transmission charge na bumaba naman ng P0.02 per kwh, gayundin ang mga taxes at iba pang charges na bumaba sa combined amount na P0.10 /kwh.