MANILA, Philippines - Pinaghahandaan na ng pamunuan ng Department of Education ( DepEd ) ang pagdaraos ng Brigada Eskwela at pagbabalik -eskuwela ng milyun-milyong mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa para sa School Year 2017-2018.
Ayon sa DepEd, ang school opening para sa susunod na School Year sa public elementary at high school ay itinakda sa Hunyo 5.
Samantala, binibigyan naman ng DepEd ang mga private schools ng kalayaan sa pagtatakda ng petsa para sa pagbabalik-eskwela ng kanilang mga mag-aaral ngunit hindi ito dapat na mas tumagal pa sa huling araw ng Agosto, 2017.
Bago naman tuluyang magbalik-eskwela ang mga mag-aaral, itinakda na rin ng DepEd ang pagdaraos ng Brigada Eskwela 2017-2018 sa mga pampublikong paaralan mula Mayo 15 hanggang Mayo 20.
Sa ilalim ng Brigada Eskwela, magtutulungan ang mga guro, mga magulang at mga estudyante para linisin at ayusin ang mga silid-aralan sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng klase.