Magbayaw tinodas ng 13 rider

MANILA, Philippines - Sa loob mismo ng kanilang bahay pinasok at pinagbabaril ang isang magbayaw ng nasa 13 kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Marikina City. 

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Lorie dela Cruz, alyas ‘Lorie Nanac’ nasa hustong gulang, na kabilang sa drug watchlist ng pulisya at bayaw na si Jeffrey Sumayang, 23, na kalalaya lamang mula sa Marikina City Jail matapos na makapagpiyansa sa kinakaharap na kasong paglabag sa illegal drugs

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-8:35 ng gabi sa bahay ng mga biktima na matatagpuan sa Block 53. Pipino Street, Barangay Tumana ay dumating ang pitong motorsiklo na lulan ang 13 suspek.

Kaagad na pinasok ang bahay ng magbayaw at pinaulanan ng bala saka mabilis na tumakas.

Nadala pa sa Amang Rodriguez Medical Center ang mga biktima ngunit hindi na umabot ng buhay ang mga ito.

Bigo naman ang mga testigo na makilala ang mga suspek na pawang nakasuot ng helmet at maskara nang isagawa ang pagpatay.

Malaki ang hinala ng pulisya na may kaugnayan sa droga ang motibo ng pagpatay sa magbayaw.

Show comments