College professor ginilitan

MANILA, Philippines - Natagpuang patay at may laslas sa leeg ang isang 44-anyos na college professor sa loob ng kanyang bahay sa Brgy.Concepcion Uno, Marikina City.

Ang biktima ay kinila­lang si Alfredo Dimaano, Vice President for Academic Affairs ng Pamantasang Lungsod ng Marikina (PLMar) at residente ng Block 2, Lot 15A Diamond Street corner Sapphire Street, Marikit Subdivision ng nasabing barangay.

Batay sa ulat dakong alas-7:30 ng gabi nang madiskubre ng mga barangay officials ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang kuwarto.

Huling nakitang buhay ng kanyang mga kapitbahay si Dimaano noong Martes ng gabi habang papasok sa kanyang bahay at may kasama umanong lalaki na hindi nila nakilala.

Kinabukasan ay nagtaka ang mga kapitbahay kung bakit hindi nila nakitang umaalis ng maaga ang biktima para pumasok sa trabaho na lagi nitong ginagawa.

Pinuntahan nila ito at kinatok ang pinto, subalit walang sumagot kaya’t ini-report sa barangay officials na nagresulta sa pagkakadiskubre ng krimen.

Lumalabas na pinagnakawan ang biktima ng suspek dahil nawawala ang laptop, cellphone, at iba pang mahahalagang gamit ng biktima.

Mayroon nang itinutu­ring na ‘person of interest’ ang pulisya na hindi muna pinangalanan  hangga’t wala pang matibay na ebidensya.

Show comments