15 behikulo sa rent -sangla scam, nabawi
MANILA, Philippines - Labinlimang sasakyan na nabiktima sa modus operandi ng rent -sangla scam ang narekober ng mga operatiba ng Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police District (QCPD) sa raid sa isang malawak na compound sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Chief Inspector Hector Ortencio, hepe ng QCPD -ANCAR nadiskubre ang nasabing mga sasakyan sa tulong ng Global Positioning System (GPS) na nakakabit sa isang Mitsubishi Montero na wala pang plaka maliban sa conduction sticker palang na pag aari ng biktimang si Baltazar Garcia Reyes.
Sa puntong ito, pormal na nagtungo sa QCPD ANCAR ang biktima para humingi ng tulong sa paghahanap hanggang sa kanilang matunton ang nasabing mga sasakyan sa loob ng isang compound sa Banaue at Katindig St. Brgy. Donya Josefa Quezon City na pag-aari umano ng isang Teddy Lim.
Isinailalim na sa kaukulang proseso ng imbestigasyon ang kaso ng rent a car scam para mabigyan ng hustisya ang mga biktima at mapanagot ang mga suspek. Nabatid kay Lim, isinangla umano sa kanya ang nasabing mga sasakyan.
Nanawagan naman si QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar sa mga naging biktima ng rent-sangla scheme na magtungo sa kanilang tanggapan upang mabatid kung pag-aari ng mga kinauukulan ang mga narekober na behikulo.
- Latest