MANILA, Philippines - Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang university scholar na sangkot sa pagha-hack ng nasa 2000 credit cards sa Cauayan City, Isabela.
Ang suspek na nakapiit sa NBI detention facility ay kinilalang si Christian Ian Salvador, 22-anyos, estudyante ng Isabela State University, Cauayan Campus na nahaharap sa kasong phishing o pagnanakaw ng mga sensitibong dokumento gaya ng usernames, passwords at credit card details sa pamamagitan ng internet.
Nabatid na isang kilalang bangko ang naghain ng reklamo sa NBI kaugnay sa iligal na transaksiyon ng suspek kaya’t naghain ng aplikasyon para sa search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) at sinalakay ang bahay ng suspek sa lalawigan.
Umaabot sa 2000 ang na-hack ng suspek na mga credit cards kaya’t nakabili ito ng kotse, motorsiklo at mga mamahaling gadget. May isang taon nang solong ginagawa ng suspek ang nasabing iligal na gawain.
Ipinagharap ng reklamong paglabag sa Cybercrime law o RA 10173; RA 1998 o Unauthorized Possession of Access Device at inihahanda pa ang reklamong paglabag sa RA 1075 o Computer Related Forgery, Computer Related Identity Theft at Cybersquatting.