Traffic enforcer sa Makati City, todas

MANILA, Philippines - Utas ang isang traffic enforcer ng Makati Public Safety Assistance (MAPSA) matapos itong pagbabarilin ng riding in tandem kahapon ng hapon sa Makati City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Rommel Oliveros, nasa hustong gulang matapos itong magtamo ng ilang tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Iniwan ng mga suspect sa bangkay ng biktima ang isang papel na nakasulat ang mga katagang  “MAPSA kotong marami pang susunod sa inyo, huwag tularan”.

Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya para sa pagkakakilanlan ng mga suspect. Sa ulat ng Makati City Police, naganap ang insidente alas-4:05  kahapon ng hapon sa panulukan ng Valderama St. at Osmeña Highway, Brgy, Bangkal ng naturang siyudad. Habang naka-duty ang biktima, biglang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka at magkaangkas ang dalawang kalalakihan. Walang abug-abog na pinagbabaril si Oliveros na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Pagkatapos ng pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect.

Iniimbestigahan pa ng Makati City Police kung may kinalaman sa trabaho ng traffic enforcer ang isinagawang pagpatay dito.

Inaalam na rin ng pulisya kung may nakakabit na CCTV camera sa lugar at kung nakuhanan ang insidente para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspect.

Show comments