MANILA, Philippines - Aabot sa halos 1.8 milyong Grade 9 students mula sa public at private high schools sa buong bansa ang inaasahang kukuha ng National Career Assessment Examination (NCAE) sa susunod na buwan.
Mismong ang Department of Education (DepEd), sa pamamagitan ng Bureau of Educational Assessment (BEA), at sa tulong ng mga personnel mula sa mga schools divisions sa buong bansa, ang mamamahala sa NCAE na nakatakdang isagawa sa Marso 1 at 2, 2017.
Sa ilalim ng NCAE, inaalam ng DepEd kung saang larangan may taglay na galing at maaaring mag-excel ang isang estudyante o ang kanilang aptitude at occupational interest.
Sa pamamagitan ng naturang pagsusuri, magagabayan nang tama ang mga estudyante sa Senior High School (SHS) track na dapat nilang kunin pagtuntong nila ng senior high school, kabilang ang Academic, Technical-Vocational-Livelihood, Sports, at Arts and Design.
Kabilang sa Academic track ang Accountancy, Business and Management (ABM); Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM), at Humanities and Social Sciences (HUMSS).
Nabatid na may tatlong domain ang career assessment kabilang ang General Scholastic Aptitude (GSA), Occupational Interest Inventory (OII), at Aptitude for SHS tracks.
Ang GSA ang tumutukoy sa scientific ability, reading comprehension, verbal ability, mathematical ability at logical reasoning ability ng estudyante, habang ang OII naman ang tumutukoy sa checklist ng occupational interest ng mga ito at ang Aptitude test ang sumusukat naman sa innate ability ng estudyante para magtagumpay sa mapipiling SHS tracks.
Ang career assessment ngayong taon ay alinsunod sa Memorandum No. 16 s. 2017 na inisyu ng DepEd.