4 sibilyan kinidnap ng NPA rebels

MANILA, Philippines – Papatindi pa ang karahasan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos na dukutin ang apat na sibilyan kabilang ang isang Brgy. Chairman at misis nito sa magkakahiwalay na insidente sa Trento, Agusan del Sur at Maco, Compostela Valley, ayon sa opisyal kahapon.

Sinabi ni Captain Rhyan Batchar, Spokesperson ng Army’s 10th Infantry Division (ID) unang binihag ng mga rebelde sina Brgy. Pangyan Chairman Rene Carlos at misis nitong si Maribeth Carlos matapos na sumalakay ang mga rebelde sa kanilang lugar kamakailan sa bayan ng Trento, Agusan del Sur.

Kasalukuyang naglalakad ang mag-asawa sa kalsada ng Brgy. Pangyan kasama ang isa nilang kaanak, isang Brgy. Tanod at isang konsehal nang harangin at dukutin ng mga rebelde.

Samantalang sumunod namang binihag ng mga rebelde ang mag-amang sina Junjun Custodio at anak nitong si Marjun  sa Brgy. Malamudao, Maco, Compostela Valley kamakalawa. Ang mga ito ay pinararatangan umanong espiya ng militar sa inilunsad na all out war laban sa NPA rebels.

Kaugnay nito, kinondena naman ni Major Gen. Rafael Valencia, Commander ng Army’s 10th ID ang pagdukot ng communist rebels sa mga inosenteng sibilyan na ginagawa ng mga itong ‘human shields’.

Show comments