Anti-illegal drugs ng PNP, binuwag
MANILA, Philippines - Bilang bahagi ng “internal cleansing” laban sa mga police scalawags ay binuwag ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang PNP-Anti Illegal Drug Group (AIDG) at maging ang lahat ng anti-drug units sa regional, provincial city at station level.
Ito ay matapos na iutos ni Pangulong Duterte at ibabalik ang Narcotics Command (Narcom) na kung saan ay itinalaga din ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang “overall head” sa anti-illegal drugs campaign at ang anti-narcotics unit ng PNP na dapat makipag-ugnayan sa PDEA.
Ayon kay Dela Rosa na pansamantalang inalis muna ni Pangulong Duterte ang kapangyarihan ng PNP para mag-operate kontra illegal na droga at sa halip ay ipinakakalos muna ang mga scalawags o tiwaling parak.
Dismayado naman si PNP-AIDG Director P/Chief Supt. Albert Ignatius Ferro sa pagkabuwag ng kanyang opisina na pinag-ukulan niya ng mahabang panahon, subalit nirerespeto niya at susundin ang desisyon ni Pangulong Duterte.
Ang pagbuwag sa PNP-AIDG ay matapos mabulgar na sangkot sa gawaing kriminal ang ilan nitong mga tiwaling opisyal at tauhan kabilang na dito ang pagdukot sa South Korean trader na si Jee Ick-joo sa Angeles City noong Oktubre 2016 kung saan ang biktima ay pinaslang sa loob mismo ng Camp Crame.
Kabilang sa mga isinasangkot sa tokhang for ransom sa pagdukot at pagpatay kay Ick-joo sa pekeng anti-drug operation ay sina Supt. Raphael Dumlao, SPO3 Ricky Sta Isabel, SPO4 Roy Villegas, PO2 Christopher Baldovino at iba pa.
- Latest