MANILA, Philippines - Tuluyan nang pinigil ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang muling pagtaas ng real property tax matapos niyang maiangat ang lungsod sa pagkakautang.
Nilagdaan nitong Lunes, Enero 23, ni Estrada ang Ordinance No. 8516 na nagkakansela sa nakatakdang 40 porsyentong muling pagtaas ng RPT na karugtong sana ng 60 poryentong pagtaas na ipinatupad noong 2013.
Ayon kay Estrada, hindi na kailangan ng panibagong pagtaas dahil may sapat nang pondo ang pamahalaang lungsod.
“We are debt-free now, that’s why pinatigil ko na pagtaas ng real property tax natin. Nakabayad na tayo ng mga utang,” pahayag ni Estrada.
Tinutukoy nito ang P5.5-bilyong utang na iniwan ng nakaraang administrasyon nang umupo siyang mayor noong 2013.
“Bangkarote ang lungsod noon kaya wala akong ibang paraan kundi magtaas ng buwis,” paliwanag ni Estrada.
Sa isinagawang botohan nitong Enero 10, ipinasa ng Sangguniang Panglungsod sa ikatlong pagbasa ang Ordinance No. 8516 na pormal na nagkakansela sa naturang pagtaas muli ng RPT sa lungsod.