MANILA, Philippines - Inihayag ni P/Sr. Supt. Albert Ignatius Ferro, Director ng PNP Anti-Illegal Durgs Group (PNP-AIDG) na iniimbestigahan ng liderato ang isang dating mataas na opisyal ng pulisya ang posibleng nagpopondo kay SPO3 Ricky Sta. Isabel na itinuturong sangkot sa kidnap for ransom sa South Korean trader na si Jee Ick-joo, 53 na umano ay nasasaktan sa drug war ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Sta. Isabel ay boluntaryong sumuko at nagpasailalim sa kustodya ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Lunes matapos namang ipag-utos ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang manhunt operations laban dito.
Sinabi rin ni Ferro na isinailalim na sa ‘restrictive custody ang isang police colonel at dalawa pang pulis na sinasabing kasabwat ni Sta. Isabel sa pagdukot sa Koreano.
Ang nasabing police Colonel ay ang team leader umano mismo ni Sta. Isabel nang isagawa ang pagdukot kay Ick-joo sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 18 ng taong ito.
Sinasabing si Ick –joo ay pinaslang, dinala ang bangkay sa isang punerarya sa Caloocan City kamakalawa kung saan ito na-cremate saka itinapon sa toilet bowl sa comfort room ang abo.
Sa kasalukuyan, ayon naman kay PNP Spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos, sinabi nito na hinihintay pa nila ang warrant of arrest laban sa mga suspek upang arestuhin ang mga ito.