MANILA, Philippines – Sinigurong hindi na bubuhayin pa ang dalawang lalaki na una nang binaril at napatay sa ibang lugar dahil nang ibaba sa kotse ay muli itong pinagbabaril ng tatlong lalaki kahapon ng madaling araw sa Brgy. Palingon, Tipas, Taguig City.
Inilarawan ng pulisya ang mga biktima na nasa pagitan ng 30 hanggang 40-anyos, nakasuot ng maong pants, puting t-shirt at katamtaman ang pangangatawan.
Sa salaysay ng mga saksi, dakong ala-1:00 ng madaling araw sa Cayetano Avenue ng nasabing barangay ay isang kulay puting sasakyan na walang plaka ang pumarada at ibinaba ng tatlong kalalakihan ang dalawang biktima na hinihinalang wala nang buhay.
Nang maibaba ang dalawang biktima ay muli itong pinagbabaril ng tatlong lalaking nagbaba at sumunod ay bumaba rin ang tatlong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo at muli itong pinagbabaril.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect na nakasakay sa kotse at motorsiklo.
Nasamsam sa lugar ang 15 basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.