MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 18 bricks na nagkakahalaga ng P 90-M ang aksidenteng nalambat ng dalawang mangingisda sa karagatan ng Brgy. Sogod, Tiwi, Albay kamakalawa.
Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang marekober ng mga mangingisdang sina Manuel Comota at Razel Bragais ang mga bricks ng cocaine na nakabalot ng packaging tape na palutang-lutang sa loob ng lambat pangisda sa bahagi ng nasabing karagatan.
Nabatid na ang cocaine ay nagkakahalaga ng tig P 5-M ang bawat isang brick kaya aabot ito sa P 90- M na hinihinalang ipinuslit ng big time international drug syndicate sa lugar.
Pinaniniwalaang itinapon sa karagatan ang kontrabando na dito kukunin ng sindikato dahilan sa mahigpit na kampanya kontra droga ng pulisya.
Pinasalamatan naman ng opisyal ang dalawang mangingisda at ang mga opisyal ng barangay dito dahilan sa itinurnover kaagad sa himpilan ng pulisya ang nasabing mga epektos.
Nakatakda namang isinailalim ang nasabing cocaine sa Crime Laboratory Office ng PRO V ang nakumpiskang mga cocaine para maisailalim ito sa pagsusuri.