MANILA, Philippines - Dalawang pulis ang naaresto sa isinagawang entrapment operation habang tumatanggap ng kotong sa live-in-partner ng inaresto nilang suspek sa illegal drugs sa loob mismo ng opisina ng Caloocan City Police Station Anti-Illegal Drugs Unit, kamakalawa ng hapon.
Ipinag-utos na ni Northern Police District (NPD) Director Sr. Supt. Roberto Fajardo ang masusing imbestigasyon at proseso para matanggal sa serbisyo ang mga suspek na sina PO2 Christian Geronimo at PO2 Kristoffer San Juan, kapwa nakatalaga sa Caloocan SAID-SOTG.
Sa ulat ng pulisya, unang dumulog sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame si Laila Catamora, 27, at idinulog ang paghingi umano ng P100,000 ng mga tauhan ng Caloocan SAID-SOTG kapalit ng pagpapalaya sa kanyang live-in-partner na si Linso Amogis, 26.
Unang nakipagkoordinasyon naman ang CIDG kay NPD Director Fajardo na dating nakatalaga rin sa CIDG at ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kina Geronimo at San Juan sa loob ng kanilang opisina dakong alas-4:20 ng hapon na ngayon ay nakakulong sa CIDG-Camp Crame.