MANILA, Philippines – Nasa kabuuang 100 mountaineers na na-trap sa Mt. Tarak sa Mariveles, Bataan dahil sa malakas na pag-ulan na dulot ng bagyong Karen ang nailigtas.
Ayon kay Senior Supt. Benjamin Silo, acting provincial director ng Bataan Provincial Police Office, mula sa 130 ang umakyat sa Mt. Tarak, at kabuuang 100 ang kinumpirmadong nailigtas.
Ayon kay Silo, ang 78 sa mga ito ang nagparehistro, habang 22 ang hindi.
Sa 48 rehistradong mountaineers ay nailigtas na mula sa Barangay Alis-Asin at 30 higit pa ang nailigtas naman kahapon ng umaga, karamihan sa kanila ay pababa na ng kabundukan.
May isang injured dahil sa nararanasang hypothermia o labis na lamig ng panahon na agad namang nalapatan ng lunas.
Sinasabing umakyat ng Mt. Tarak ang mga naturang hikers kamakalawa kahit pa may banta na ng bagyong Karen.