3 patay sa nakamotorsiklong gunmen

MANILA, Philippines – Tatlong katao ang iniulat na nasawi sa kamay ng mga gunmen na sakay ng motorsiklo sa magkakahiwalay na lugar at oras.

Sa Maynila, nasawi ang 28-anyos na Chinese national  na si Shi Hua Tian alyas Andy, ng Jose Abad Santos, Binondo, Maynila matapos pagbabarilin ng apat na lala­king magkakaangkas sa 2 motorsiklo habang sakay ng kotse kasama ang nobya sa bahagi ng Tomas Mapua St., Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat, bago naganap ang krimen dakong  alas- 11:15 ng gabi  sa tapat  ng Blue Lane Hotel sa T. Mapua St., malapit sa Ongpin St., ay minamaneho ng  biktima ang Honda Civic (AAW-3122) kasama ang nob­yang si Dony Ya Lin nang lapitan ng mga suspek at sabay-sabay na pinagbabaril ang biktima at hindi ginalaw ang nobya nito.

Nang matiyak na patay na ang biktima ay tumakas ang mga suspek na pawang naka-suot ng bonnet at jacket.

Patay din ang 46-an­yos na si Edwin Lasap, nang ito ay barilin sa ulo ng isa sa apat na lalaki na angkas sa dalawang motorsiklo sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.

Batay sa ulat, dakong alas-12:13 ng madaling araw ay nagbibisekleta ang biktima at pagda­ting sa gilid ng Building 18, Aroma Temporary Housing, Road 10, Tondo ay pinagbabaril na ito ng mga suspek na nag-aabang dito.

Tinangay muna ng mga suspek ang mahahalagang bagay na dala ng biktima bago nilisan ang lugar.

Aalamin din kung pagnanakaw lang ang motibo o may kaugnayan sa iligal na droga.

Pinagbabaril at napatay din ang 20-anyos na si Ian Carlos Adipen, ng Quail St., Area 2,Vete­rans, Brgy. Bagong Sila­ngan, Quezon City  ng isa sa apat na lalaking sakay ng tig-isang motorsiklo kamakalawa.

Bago ang krimen ay nasa loob ng computer shop ang biktima dakong ala-1:45 ng hapon nang pumasok ang dalawang lalaki at puwersahang hinatak palabas ang biktima at ilang sandali ay pinagbabaril na ito ng mga suspek na mabilis na tumakas.

Show comments