MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang mga hukom na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano ay sangkot sa iligal na droga na hindi dapat sumuko na nakasaad sa kanyang apat na pahinang liham lalo na kung walang warrant of arrest.
Aniya, ito ay para maprotektahan ang mga hukom bilang tagapangalaga ng karapatan ng mamamayan sa ilalim ng Konstitusyon.
Hiniling din ni Sereno kay Duterte na payagan ang mga pinangalan niyang hukom na patuloy na magbitbit ng kanilang lisensyadong baril hanggang hindi pa naman sila nasasampahan ng kaso.
Nababahala kasi si Sereno na maging target din ang mga nasabing hukom ng mga nagaganap na extrajudicial killings at sila ay maging collateral damage sa giyera laban sa droga.
Ang Korte Suprema ay dati nang humiling sa PNP na payagan silang magdala ng baril dahil wala namang sapat na mga tauhan ang hukuman para magbigay-proteksyon sa mga huwes.
Sinabi pa ni Sereno na bagamat ikinalulugod ng hukuman ang pagnanais ng pangulo na tumulong sa paglilinis sa hanay ng hudikatura, sapat na raw sana ang informal report mula sa Presidente o sa kanyang mga gabinete para kumilos ang Korte Suprema at magsagawa ng imbestigasyon nang hindi na nangangailangan na atasan ang mga hukom na mag-ulat sa alinmang tanggapan at hindi na masasagabal ang kanilang mga scheduled court activities.
Samantala, sinulatan ni Sereno si Pangulong Duterte na ipaliwanag kung ano ang basehan nito sa pagtukoy ng pitong huwes na sina Judge Mupas ng Dasmariñas, Cavite; Judge Reyes ng Baguio City; Judge Savilo, RTC branch 13 ng Iloilo City; Judge Casiple ng Kalibo, Aklan; Judge Rene Gonzales ng MTC; Judge Natividad ng RTC Calbayog City at Judge Ezekiel Dagala ng MTC, Dapa, Siargiao.
Si Judge Natividad ay napatay noong Enero 2008 habang nagretiro naman si Judge Gonzales noong June 20, 2016 habang si Judge Mupas naman ay na-dismiss noong 2007.