14 naaresto sa drug raid sa Camanava

MANILA, Philippines - Labing-apat na katao na sangkot sa pagtutulak at paggamit ng iligal na droga ang nalambat ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa magkakasunod na anti-drug operation sa area ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela), kamakalawa ng gabi.

Dakong alas-4:00 ng madaling araw kahapon nang maaresto ang mga hinihinalang drug trafficker na sina Antonio Valenzuela, ng No. 544 Cadaing Compound, M. Dela Cruz Street, Reparo, Caloocan; John Escorpion, ng no. 33 Rivera Street, Reparo Road, Caloocan City at Jefferson Payduan.

Nakumpiska sa bahay ni Valenzuela ang nasa 31 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu; isang calibre.38 baril na may limang bala at mga drug paraphernalia habang nakumpiska sa bahay ni Escorpion ang 28 plastic sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia at isang video karera machine.

Nadakip naman ng mga tauhan ng Navotas City Police dakong alas-6:45 ng gabi sa loob ng pampublikong sementeryo sa Brgy. San Jose sina Annaliza Carpuente, 43; Bernarda Atacador, 25, at John Michael De Jesus nang maispatan ang mga ito ng nagpapatrul­yang mga tauhan ng Police Community Precinct 3 na nagpa-pot session at nakumpiska ang apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Sa Valenzuela City ay naaresto naman sina Analyn Datulayta, 30; Roel Ancheta Socahel, 29; Wilson Bulos Ulog, alyas Wawi, 40; Mark Marvin Bautista Estilles, 34; Rose Reyes, 28; Rusty Vidal Buenafe, 32; Roberto Geronimo Sagun, 27; at Luvimine Pillado Delos Santos, 40 at nasamsam ang kabuuang 11 plastic sachet na hinihinalang shabu.

Show comments