Mar may P7-B unliquidated funds - COA
MANILA, Philippines - Dahil sa kawalan ng monitoring sa liquidation at ng pagsusumite ng financial report ay umaabot sa mahigit P7 bilyon fund transfer sa DILG na dating pinamumunuan ni Mar Roxas ang hindi pa umano nali-liquidate.
Kaya naman binatikos kahapon ng United Nationalist Alliance si Roxas dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nali-liquidate ang nasabing bilyong pisong pondo.
Lumabas sa bagong taunang report ng Commission on Audit ang naturang fund transfer ay noong kalihim pa ng DILG si Roxas na kumakandidatong presidente sa halalan sa Mayo.
Saklaw umano ng unliquidated fund transfer ang mga proyektong Provision of Potable Water program (SALINTUBIG), Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA), Bottom-Up Budgeting (BUB), Rehabilitation Assistance on Yolanda (RAY), and the Public Transport Assistance Program (PTAP).
“Indikasyon ito na nabigo ang DILG na i-monitor ang pagpapatupad ng mga proyekto,” puna ng report ng COA.
“Ang receivables accounts ay umakyat sa halagang P7.040 bilyon dahil hindi na-monitor ng pangasiwaan ang mga fund transfer at pagsusumite ng kaukulang financial report na taliwas sa itinatadhana ng COA Circular No. 94-013.”
Ibinunyag din sa report na hindi pa rin nali-liquidate ang P17 milyong cash advances sa DILG.
“Nasasalamin sa track record ni Mar Roxas bilang kalihim ng Interior at ng Transportation and Communication ang kanyang abilidad sa ehekutibo,” puna ni UNA spokesperson Mon Ilagan.
“Kahit sa mga projects na wala namang technical knowledge ang DILG, kinukuha nila. Ngayon, hirap sila mag-monitor at mag-liquidate,” dagdag niya.
Sinabi naman ni Ilagan na ang panguluhan ni Vice President Jejomar Binay kapag nahalal ito sa halalan sa Mayo ay tututok sa tamang pagpapatupad at pagmomonitor sa mga proyekto at programa ng pamahalaan.
Ayon kay Ilagan, nangako si Binay na magtatalaga ng mga taong merong napatunayang track record at karanasan sa posisyon sa Gabinete para makapagtrabahong mabuti at wala nang mga pagkakamali.
- Latest